
Naging sandigan ng University of Santo Tomas Growling Tigers ang kabayanihan ni Aljon Mariano sa ikalawang overtime ng sagupaan upang maitakas ang mahigpit na 84-82 na panalo kontra sa De La Salle University Green Archers sa pagpapatuloy ng aksyon sa UAAP men’s basketball sa Mall of Asia Arena kahapon.
Pumukol ng dalawang basket si Mariano sa huling isang minuto ng ikalawang overtime period kabilang ang isang baseline jumper, 7.1 segundo ang natitira sa tikada upang kunin ang bentahe, 84-82, na sinegundahan ng block ni Karim Abdul sa drive ni Yutien Andrada na tuluyang sumelyo sa laban.
Nagpamalas din ng solidong laro si Clark Bautista ng UST matapos gumawa ng game-high na 21 puntos, tampok ang dalawang 3 puntos na sinamahan pa ng pinaghalong 31 nina Mariano at Abdul.
“Hindi naman ako na-pressure kahit sobrang dikit yung laban kasi pinapalakas din ni Coach Pido yung loob namin tsaka sabi niya antayin ko lang daw yung bola, sakto pumapasok yung tira ko kaya nabuo lalo yung kumpiyansa ko,” sabi ni Mariano sa TomasinoWeb.
Hindi naman naging maganda ang laro ni Jeric Teng na nagtatala ng 18.3 na puntos kada laro matapos maglista ng 9 na puntos sa sagupaan.
Samantala, nabigo naman si LA Revilla ng La Salle na kunin ang panalo matapos balewalain ng tatlong referees ang kanyang buzzer beating floater basket sa pagtatapos ng regulasyon, dahilan upang magkaroon ng overtime period.
Nanguna si Revilla para sa Green Archers matapos tumipa ng 19 na markers na inayudahan pa ng double-double figure ni Jeron Teng, 17 na puntos at 12 rebounds, subalit nasayang lamang nang nagkaroon ng sunud-sunod na turnovers sa huling yugto ng ikalawang OT, pabor sa UST.
Mainit na tumapak sa hardcourt ang parehong koponan sa unang kanto matapos magpakawala si Jeron Teng ng jumper shots na tinapatan naman ng pull away baskets ni Abdul, 17-15 pabor sa koponang galing Taft.
Sinubukan naman ng pangkat galing Espanya na angkinin ang ikalawang kanto nang magpaulan si Bautista ng dalawang magkasunod na tres, 21-19, subalit nagsagawa ng 10-2 run ang Archers upang mapanatili silang lamang.
Sa pagpasok ng ikatlong kanto, bumulusok na ang UST matapos magpasabog ng 20-9 run na kinatampukan ng tatlong behind-the-arc shots ni Bautista upang hawakan ang 8 puntos na lamang sa pagpasok ng pay-off period, 56-48.
Tila nabuhayan ang Archers nang magsagawa ng matibay na depensa na naging dahilan upang patahimikin ang opensa ng Tigers sa loob ng dalawang minuto at sinabayan pa ng 7 puntos ni Jeron Teng.
Tuluyang naagaw ng DLSU ang kalamangan sa huling 35.4 na segundo sa ikaapat na kanto, 71-69, bago naibuslo ni Mariano ang isang off-the board shot para itabla muli ang sagupaan na humatak sa OT.
Tumirada ng coast-to-coast basket si Norbert Torres ng La Salle sa unang overtime period upang ilapit ang kanyang koponan sa tagumpay, 80-78, subalit muling isinalba ni Mariano ang Tigers matapos muling itabla ang bakbakan at naging daan para mabuhayan ng kumpiyansa sa ikalawang OT.
Ito na ang ikatlong sunod na panalo ng UST sa torneo, 3-1, habang ito naman ang ikatlong sunod na talo ng DLSU, na bumagsak sa 2-3 na karta.
Tigers’ Scores: Bautista 21, Abdul 16, Mariano 15, Teng 9, Fortuna 8, Afuang 8, Ferrer 5, Pe 2
Archers’ Scores: Revilla 19, Teng 17, Andrada 16, Webb 13, Torres 7, Manguera 6, Van Opstal 2, Tallo 2
Quarter Scores: 15-17, 29-30, 56-48, 71-71, 80-80, 84-82
Isinulat ni Karl Cedrick G. Basco
Litrato kuha ni Jenzine Inah M. Alcantara