HABANG ang mundo natin ay napupuno ng mga hindi kanais-nais na mga gawain na sinusubukan ng mga tao, tiyak na hindi matatanggal ang paninigarilyo sa listahan. Sabi sa isang pag-aaral, sa buong mundo raw ay isa sa limang tao ay naninigarilyo o nakaranas nang manigarilyo.
Huwag na tayong lumayo at tutukan na lamang natin ang problema ng paninigarilyo sa ating unibersidad. Kahit nagpataw na nang mahigpit na patakaran ang paaralan, meron pading mga mag-aaral na hindi kayang makalakihan ang kanilang gawi. Gayunman, bago natin husgahan ang mga maninigarilyo ay kailangan natin nang pananaw ng isa upang maliwanagan tayo sa kanilang dahilan.
“Napilitan ako dahil sa kaibigan”
Marahil, ang ating bansa ay puno ng pala-kaibigan na tao, at sa sobrang pagmamahal natin sakanila ay pati mga gawain nila ay atin ding tutularan. Sa tinatawag natin sa ingles na “peer pressure”, nagsisimula ang pag-usisa natin sa isang bagay. Minsan sinasabi pa ng mga ito na “walang masama” sa pag-subok ng bago lalo na ngayong kolehiyo na lahat ng nasa paligid mo ay may iba ibang interes at ugali.
Tandaan natin lagi na mayroon tayong kapangyarihan na pumili at husgahan kung tama ang isang sitwasyon o hindi. Sa lahat ng bagay, dapat ginagamitan ito ng masusing pagpa-pasiya. Kung ano man tayo ngayon ay huwag mawawala sa isip natin na bunga ito lagi ng ating desisyon.
“Problemado ako noon eh kaya sinubukan ko”
Kasabay sa paglaki nating lahat – lalo na sa mga nagbibinata at nagdadalaga, marami tayong ikinahaharap na mga problema, maging pinansiyal, pamilya, personal o kahit ano man. Minsan ay sa patung-patong na problema na hinaharap natin ay naghahanap tayo nang libangan o pampatanggal sa sakit ng ulo. Ang sigarilyo ay nilalagyan ng kemikal na pang pa-kalma ng isip at lumuwag ang tension na ating nararamdaman, kaya naman ito ang tinatakbuhan ng mga problemado imbis na gawan ng paraan ang kanilang suliranin.
“Wala lang… Sinubukan ko lang”
Sa kawalan din ng magawa o sa sobrang pagka-inip ay tiyak na may matutuklasan tayong bago. Pero imbis na maganda ang ating ma-diskubre, minsan ito’y ikaka-pahamak pa natin. Sa oras na makasanayan na nating gawin itong “bagong na-diskubre” natin ay hindi na natin ito titigilan kahit pa alam natin na masama ito.
Pero di lang naman ang bunga nang kanilang bisyo ang dapat alamin pero kung paano din itigil ang nakaka-matay na gawaing ito. Maraming paraan ngunit hindi ito madaling kamitin sapagkat ang bisyo ay hindi dumi sa katawan na pwede nalang natin hugasan at tanggalin sa isang ligo, ito ay kailangan din ng oras at nang tamang proseso.
“Kung di mo kayang itigil, wag mo nang impluwensyahan ang iba”
Kung alam mo nga naman na ito ay bisyong di ka-nais nais, ay wag na nating himukin ang iba na subukan ito dahil hindi lamang sinisira mo ang iyong kalusugan pero pinipigilan mo din magkaroon ng maayos na pamumuhay ang iba.
At kung maninigarilyo sa publikong lugar, siguraduhing malayo tayo sa paningin ng iba lalo na sa mga kabataan. Isa pang dahilan ay hindi lahat, gusto ang amoy ng usok galing sa sigarilyo. Mag-bigay galang din tayo paminsan-minsan.
“Mag-set ka nang mga araw na iiwasan mong manigarilyo”
Napipigilan din ang bisyo kung aaksuyunan natin ito ng pa-unti onti. Mag-laan man lang ng kahit dalawang araw o tatlong araw na hindi ka maninigarilyo at pag nakasanayan mo na ito, at padami ng padami ang araw na natitiis mong hindi ka naninigarilyo, sigurado na makaka-gawian mo na ito at balang araw ay makakatigil ka na din nang walang alinlangan.
“Lahat tayo kayang tumigil kung gugustuhin!”
Bago natin gawan ng paraan ang isang matinik na sitwasyon, siyempre ang pangunahing kailangan ay ang motibo para gawin ito. Kung gusto mong tumigil kailangan gustuhin at sa kagustuhan na ito ay kailangan natin gumalaw para may pagbabagong maganap.
Kung sasabihin natin agad na hindi natin kaya, siyempre hindi talaga natin magagawa dahil negatibo na agad ang pag-iisip natin. Hindi rin pwede na hanggang salita lang tayo at walang gawa dahil hindi rin tayo makaka-kita ng pagbabago sa ating sarili.
Ang paninigarilyo ay kasama sa pagkamulat natin sa panibagong mundo na kinakaharap natin. Hindi naman sa pinipilit ang mga mambabasa na tumigil pero isipin din natin ang ating kalusugan at kung ano nalang iisipin nang mga tumitingala sa atin. Ang unibersidad natin ay tahanan nang mga indibidwal na may iba’t-ibang pag-uugali at sistema kaya sila’y bigyan natin ng respeto sa kanilang pang-personal na gawain at desisyon.
Bilang isang mag-aaral at anak, hindi ba’t mas mabuti kung gagastahin nalang natin ang pera natin at uubusin ang oras natin sa makabuluhang mga bagay? Kaysa sa ibuhos natin ito sa isang bagay na alam nating pagsisisihan din natin sa huli.
“Walang masama sa manigarilyo”—Masasabi mo lamang ito hanggat di mo pa nararamdaman ang mga pagbabago sa iyong sarili at pamumuhay.
Mula kay Vincent Bren S. Tajor
Litrato mula kay Genevieve C. Aguilan
1 Comment