Nakahiligan ko ang pagkanta magmula noong bata pa ako. ‘pag may pyesta sa amin, hindi mawawala ang videoke; sa mga family reunion, meron din. Kaya hanggang ngayon tuwing may mag-iimbitang mag-videoke, game kaagad ako. Mahilig akong kumanta, inaamin ko ‘yon, hataw ang pagkanta kahit pa mamalat. Pero ibang usapan na kapag sa harapan ng maraming tao kakanta. Hindi ko na talaga kaya ‘yon. Kaso noong 2009 kinantahan ko ang nanay ko.
Matagal nang wala nanay ko. Noong huling araw ng burol niya, ito ang kauna-unahang beses ko kumanta sa harapan ng maraming tao.
Gabi na nu’ng magsimula ang event na pinagplanuhan naming para sa mga dumalo at nakiramay. Tutal masiglahin ang aming nanay, napag-isipan naming gawing kakaiba ang huling araw niya sa Arlington. Ginawan namin siya ng “tribute” bilang pasasalamat sa lahat ng nagawa niya habang siya’y nabubuhay pa: Iyong iba dinaan sa pagkanta, ‘yong iba naman nagbahagi ng mga kuwento. Gaya nga ng nasabi ko, doon ako sa mga taong bumirit sa harapan ng madla. Dahil isa sa paboritong niyang artista si Michael Jackson, pinapili ako ng isang kanta niya. Mahilig siya kay MJ kaya’t noong pumanaw ang idolo niya, sumunod naman siya. Sa nanay ako namulat sa mga tugtuging masarap pakinggan sa tenga. Nang tumagal-tagal, wala pa rin akong mapili na kanta ni MJ, kaya’t sa mga huling oras bago magsimula iyong selebrasyon, Ibinagay na lang sa akin ang kantang ‘Man in the Mirror’.
Sa likod kung sa’n ang lagayan ng mga pagkain, tanaw ko ang sangkatutak na taong nag-aabang sa susunod na magpapaiyak sa kanila. Sa isip ko, paniguradong matira matibay kung sino ang hindi iiyak hanggang sa matapos ang selebrasyon.
“Seal, ikaw na’ng next”. Tinatpik ako sa balikat ng pinsan ko.
Lumiksi bigla ang kaninang mabagal na pagpintig ng puso. Ramdam ko na ang unti-unting pagbigat ng aking buong katawan na tila ayaw na akong patayuin sa kinalalagyan. Gusto ko sanang sabihin sa pinsan ko kung pup’wedeng next year na lang ‘ka ‘ko yung performance ko. Kaso wala na akong magawa kundi isang malalim na buntong-hininga; para rin naman ito sa nanay kong nakahiga sa gintong kabaong.
Nang ako na ang magtatanghal, parang may namumuong lindol sa loob ng katawan ko. Magnitude 8 ata ‘yon. Bago ako kumanta, hinintay ko munang manahimik ang lahat. ‘Yong iba may kaunting tulo na ng luha, habang ‘yong iba naman nakasuot ng shades. ‘Di ko maintindihan noong oras na iyon kung bakit sila naka-shades, baka masyadong maliwanag ‘yung dalawang ilaw na nakapaligid sa kabaong ng nanay ko.
Tandang-tanda ko pa noong mga araw na nabubuhay pa siya, kapag sakto niyang may pagdiriwang sa eskwelahan, itatanong niya sa akin ang mga detalye nito. Sa umaga, habang binibihisan niya ako, itatanong niya sa akin kung pang-ilan kami sa magpe-perform, anong oras magsisimula ang event, at kung saan gaganapin. Ayaw na ayaw ko talaga siyang pumunta, madalas kasi akong kantiyawan ng mga kaklase ko. Dahil ayaw ko naman siyang pumunta kasi nahihiya ako, tatango na lang ako o di kaya “hindi ko alam” ang parati kong sasagutin. Pero kahit hindi ako nagsasabi ng kahit anong detalye tungkol sa event, parating may lalapit sa akin na kaklase.
“Seal, andito mommy mo. Hinahanap ka niya kanina pa. Andun siya sa likod”. Tatango ako’t magpapasalamat. May maririning naman akong bungisngis galing sa mga kaklase ko. Ewan ko talaga kung paano niya nagagawa ‘yon. Makikita ko pa rin siya sa eskwelahan kasama ang iba pang mga supportive mothers.
Mama’s boy nga talaga ako. Tuwing umaga ‘di ako makagalaw nang mag-isa. Kailangan si mama ang gagawa ng lahat. Siya magsusubo sa akin ng pagkain tuwing umaga, siya magpapaligo sa akin, siya magbibihis sa akin, at siya rin ang alarm clock ko: ang boses niyang umaalingawngaw sa buong paligid ng bahay magising lang ako. Pikon na pikon ako tuwing umaga siyempre. Sino ba naman may gustong gisingin ka umagang-umaga pa lang at ang ganda-ganda pa ng panaginip mo kasama si Crush. Naglalakad sa isang mall, magkahawak ang kamay sabay kumakain ng Pistachio ice cream, tapos biglang makikita mo ang nanay mo, papalapit, umaapaw ang galit parang nag-aalburotong bulkan. Dahan-dahang maglalaho si Crush, didilim ang paligid, may mararamdaman kang lamig, tapos sa pagdilat mo makikita mong wet ka na pala talaga, hindi yung sa dream, kundi yung literal na binasa ako ng tubig para magising.
Lahat ng trabaho kaya niya. Kahit anong gawain ay handa niyang gawin para sa mga anak niya. Ewan ko lang ba kung bakit yung ‘di niya nagawa.
Ngayon ako naman ang kailangan na gumawa nito para sa sarili ko. Napagod na rin siguro siya kakaalaga sa akin araw-araw; kakabisita parati sa eskwelahan para mag-cheer sa anak niya, kaya natulog muna siya. Ang isang babaeng nasa likod ng salamin.
I’m starting with the man in the mirror. I’m asking him…
Hindi ko na mabasa ng maayos ‘yung hawak-hawak kong lyrics. Mahirap pala pag kinakantahan ang isang patay. ‘Di ko na alam kung natutuwa ba siya sa boses ko o hindi. Kung pa’no pilit kong kumanta noong mga oras na iyon habang tumutulo paisa-isa ang mga luha galing sa mata ko. Nalalasahan ko na ang alat ng bawat patak nito. May kumakalat nang mga butil-butil na patak sa papel. Luha na pala ang mga patak, hindi pawis dahil sa kaba. Hindi ko man lang siya nakantahan ng maayos kahit sa huling pagkakataon. Sa tingin ko bagsak ang score ko sa totoong videoke. Ganoon ba kapangit ang boses ko para ako’y mapaiyak? Ang mata ko kaninag tuyong-tuyo, ngayo’y binabaha na ng luha. Nakatitig sa kung saang lupalog, huwag ko lang makita ang mga mukha ng taong awang-awa sa musmos na batang nakatayo sa harapan nila dahil iniwan na ng nanay. Bawal bang umulit ng kanta? Naisip ko. “yong saulo ko naman ng kaunti para lang pambawi, baka sakaling marinig ko ang palakpak niya.”
Hinagilap ko na ang buong kuwarto pero wala talaga. Wala na talagang dumating.
