
[button color=”light” link=”https://www.facebook.com/media/set/?set=a.10151156816667355.436427.197486717354&type=3″ target=””]View gallery[/button]
Nabigo ang University of Santo Tomas Growling Tigers makamit ang ikawalong panalo nang tuldukan ng De La Salle Green Archer na si Jeron Teng ang makapigil-hiningang laban gamit ang game-winning fade away shot sa huling 3.3 na segundo sa iskor na 51-53. Ito ay sa pagpapatuloy ng ikalawang round ng UAAP season 75 mens’ basketball sa SM Mall of Asia Arena kahapon.
Nagawang iganti ni Jeron Teng ang kanyang koponan nang sila ay tinalo ng Tigers sa unang round matapos ang dalawang overtime, nagwakas sa 84-82. Naging mahigpit ang laro ngunit iba ang naging resulta ng laban kahapon.
Naging mainit ang palitan ng puntos ng UST at DLSU. Bawing-bawi sa perimeter shots at mid-range jumpers sina Carmelo Afuang at si Aljon Mariano na siyang nakapagtala ng tig-siyam na puntos, nang makitang hindi makakuha ng magandang laro ang Cameroonian na si Karim Abdul. Si Abdul ay nakakuha ng 14 puntos at 6 na rebounds lamang sa buong laro na siyang mas mababa sa average points per game na 18 puntos.
“Sa tingin ko kaya naman naming tambakan eh, kinulang lang kami sa intensity…paiba-iba, minsan pababa, minsan pataas,” ani ni Jeric Fortuna.
Matibay ang naging sandigan ng Green Archers nang patuloy silang nagpaulan ng tres sa mga Tigers. Tampok sa mga 3-point plays ng Archers ang guard na si Almond Vosotros na nagpasabog ng 12 puntos at lahat ng iyon ay mula sa rainbow territory.
Nanguna sa puntos ang UST noong unang bahagi, tampok dito ang buzzer beater lay-up ni Mariano nang naihabol niya at naipasok ang bola sa pagtatapos ng unang yugto, ngunit patuloy itong hinabol ng Archers matapos ang matinding palitan ng baskets nina Mariano at Jeric Teng laban sa DLSU hanggang sa maagaw nito ang lead sa pagtatapos ng ikatlong yugto, 37-39.
Patuloy pang dinagdagan ang kalamangan ng Archers nang makatala ng 5-0 run laban sa Tigers, na siyang nagpalayo ng iskor, 37-44. Nakabawi rin agad ang Tigers makalipas ang dalawang minuto nang magpasiklab ng 6-0 run, kabilang ang back-to-back baskets ni Abdul at Mariano.
Sa nalalapit na huling minuto ng laro, umabot na sa hangganan ang mga foul ni Mariano at napatalsik na sa laro, 1:40 ang natitira.
Hindi nawalan ng pag-asa ang UST kahit 40 segundo nalang ang natitira sa iskor na 47-51. Biglang nabuhayan ang mga taga-Espanya nang magpasiklab si Abdul ng back-to-back baskets na nakapagtabla sa laro ng 51-51.
Tumawag ng huling timeout ang Archers upang ayusin ang kanilang huling play. Inakala ng marami na aabot pa sa overtime ang laban, subalit ito ay tinapos ng isang leaner ni Jeron Teng nang makalusot sa depensa ni Ferrer. Sakto ang kanyang bitaw sa bola, at kinagulat ng lahat, ito ay pumasok.
Matapos ang pagkatalo sa DLSU, ang Growling Tigers ay nakakuha na 7-3 standing, pangatlo sa torneo. Muling magsasabak ang UST Growling Tigers at Adamson University Soaring Falcons sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
“Laging kami ang naghahabol eh, mali iyon.Sa next game, kailangan simula pa lang [maayos na]. Start strong and finish strong,” ayon kay Coach Pido Jarencio.
Archers’ Scores: Vosotros 12, T.Torres 10, Teng 9, N.Torres 8, Van Opstal 7, Mendoza 5, Manguera 2, Paredes 0, Gotladera 0, Tallo 0, Webb 0, Tampus 0
Tigers’ Scores: Abdul 14, Mariano 9, Afuang 9, Fortuna 7, Teng 6, Vigil 2, Ferrer 2, Bautista 2, Pe 0, Lo 0, Daquioag 0
Quarter Scores: 15-10, 27-22, 37-39, 51-53
Isinulat ni Josiah Darren G. Saynes
Litrato kuha ni Jenzine Inah M. Alcantara