
[button color=”light” link=”https://www.facebook.com/media/set/?set=a.10151152420002355.435839.197486717354&type=1″ target=””]View gallery[/button]
Muli nanamang nagpamalas ng never-say-die attitude ang University of Santo Tomas Growling Tigers matapos bumangon mula sa 17-point deficit upang maitakas ang 58-57 come-from-behind overtime victory kontra sa National University Bulldogs sa pagpapatuloy ng aksyon sa UAAP Season 75 sa Smart Araneta Coliseum kahapon.
Sumandig muli ang Tigers sa kabayanihan ni Aljon Mariano matapos pumukol ng game-winning off-the-board jump shot sa huling 4.4 na segundo ng extension period upang maisukbit ang panalo. Nagtala si Mariano ng game-high na 22 puntos, 18 rito ay nagmula sa second half, at anim na rebounds.
Namayani rin si Jeric Fortuna, kumolekta ng walong puntos at walong assists, nang magpakawala ito ng buzzer-beating three-point basket sa regulation period upang humatak pa ng karagdagang limang minuto sa laban habang umayuda rin si Karim Abdul ng double-double figure, 10 marka at 10 boards.
“Nung nai-shoot ni Fortuna, sinabi ko sa kanila hindi na kayo yan, binigay na ng nasa itaas yan kaya huwag nating aksayahin. Sabi nga nila, nasa Diyos ang awa nasa tao pa rin ang gawa,” ani ni Coach Pido Jarencio.
Naging maganda ang panimula ng Tigers sa unang kanto matapos magpasabog ng 9-2 run tampok ang dalawang fast break points subalit bumalikwas ang Bulldogs nang maghulog ng 14-0 na bomba at makapag-tayo ng limang puntos na lamang, 11-16.
Nahirapan ang UST sa pagpasok ng ikalawang kanto matapos hindi makapuntos sa loob ng anim na minuto na sinegundahan pa ng perimeter shots ng NU at tuluyang mabaon sa 17 puntos sa pagtatapos ng first half, 14-31.
Subalit muli nanamang bumawi ang mga taga-Espanya sa ikatlong kanto nang magpaulan ng tres sina Mariano, Jeric Teng at Clark Bautista upang mapaikli ang lamang sa sampu, 32-42.
Lalong nabuhayan ang Jarencio-mentored squad sa pay-off period matapos magpamalas ng matibay na depensa na naging daan upang mapigilan ang opensa ng Bulldogs. Sinundan pa ito ng fast break points nina Mariano at Fortuna na nagdikit sa sagupaan, 48-51, sa huling 10 segundo ng laban, bago tumirada ng tres ang nahuli na nagtabla sa laban, 51-all.
Sa kabila ng pagkaka-fouled out nina Abdul at Kevin Ferrer sa OT, hindi nawalan ng pag-asa ang Tigers. Nagbitaw sila ng 4-0 salvo sa huling 30 segundo kabilang ang game-clinching basket ni Mariano upang makabawi sa 27 puntos na talo sa FEU.
Nalimitahan din ng UST ang league’s best scorer na si Bobby Ray Parks sa 15 produksyon, siyam dito ay galing pa sa free-throw line, at Emmanuel Mbe sa 10 puntos sa kabila ng pagkamada ng 13 rebounds.
Sa panalong ito, nakisalo sa ikalawang pwesto ang Tigers sa FEU na may 7-2 na karta sa ilalim ng nagdedepensang Ateneo Blue Eagles habang bumagsak naman sa 5-4 ang record ng Bulldogs para sa ikalimang pwesto sa liga.
Susunod na makakalaban ng UST ang DLSU sa Miyerkules, ganap na ika-12 ng tanghali sa MOA Arena; matatandaan ang naging magandang laban ng dalawang koponan sa first round na nauwi sa double OT victory para sa mga Tigers, 84-82.
Tigers 58: Mariano 22, Abdul 10, Teng 8, Fortuna 8, Bautista 8, Ferrer 2, Vigil 0, Pe 0, Lo 0, Afuang 0
Bulldogs 57: Parks 15, Mbe 10, De Guzman 8, Rosario 6, Labing-isa 5, Javillonar 4, Betayene 3, Rono 2, Neypes 2, Alolino 2, Villamor 0, Singh 0
Quarter Scores: 11-16, 14-31, 32-42, 51-51 (reg), 58-57 (OT)
Isinulat ni Karl Cedrick G. Basco
Litrato kuha ni Jenzine Inah M. Alcantara