
[button color=”light” link=”https://www.facebook.com/media/set/?set=a.10151152272432355.435818.197486717354&type=1″ target=””]View gallery[/button]
Mula sa pagkakabaon ng 17 puntos sa unang kanto, hindi na nagawa pang humabol ng University of Santo Tomas Growling Tigers kontra sa nag-aalab na Far Eastern University Tamaraws, 87-60, sa pagsisimula ng ikalawang round ng UAAP Season 75 men’s basketball sa Mall of Asia Arena noong ika-23 ng Agosto, 2012.
Nasayang lamang ang pinagsamang 27 puntos na tinipa nina Aljon Mariano at Jeric Fortuna matapos madepensahang maigi ang Cameroonian center na si Karim Abdul. Nakapaglista lamang si Abdul ng 11 puntos sa labang ito na pumutol sa kanilang six-game winning streak.
Nagtala lamang ng 34.8 field goal percentage ang Tigers kabilang ang nakapanlulumong 20% sa rainbow territory, sa kabila ng pagiging isang mahusay na 3-point shooting team sa liga, bukod pa sa mababang 31 rebounds.
Samantala, namayani naman para saTamaraws ang league’s third best scorer na si Terrence Romeo na kumonekta ng 19 na puntos tampok ang 14 sa unang kanto at sinamahan pa ng pinaghalong 26 na marka nina Roger Pogoy at Anthony Hangrove.
Mainit na tumapak sa hard court ang FEU nang maagang magpaulan ng tres at put back jumpers si Romeo para sa isang 9-0 run kasabay ng mala-moog na depensa upang hindi makapuntos ang Tigers sa loob ng tatlong minuto at makapag-tayo ng 17-point advantage, 26-9.
Nalimitahan lamang sa sampung puntos ang UST sa ikalawang period at hindi na nila napigilan pa ang Tamaraws sa pananalasa sa opensa matapos ang isang two-handed slam dunk ni Hangrove, 1:46 sa naturang kanto, na nagpatayo sa mga manunood at nagpalaki sa lamang, 19-47.
Tila nabuhayan ang mga taga-Espanyana nang magpakawala ng limang tres sa ikatlong kanto ang Tigers sa pangunguna nina Clark Bautista at Mariano tampok ang 11-0 run, subalit hindi sapat upang idikit ang sagupaan at maiwananng 26 na puntos sa pagsisimula ng pay-off period, 40-66.
Hindi na umubra pa ang lay-ups at coast-to-coast drives nina Abdul at Mariano sa huling kanto nang masustina ng kalaban ang ritmo nito sa laban upang dominahin ito at isukbit ang ikaanim na panalo.
Humingi naman ng paumanhin si Jeric Teng, umiskor lamang ng dalawang puntos, sa naging resulta ng laro niya at ng buong koponan. Sa kanyang twitter account, sinabi nitong “Saying sorry isn’t enough for what we did, I don’t know how to put into words. We humiliated ourselves.”
Resulta ng pagkatalong ito ang pagbaba ng Tigers sa ikatlong pwesto, katabla ang katunggali sa 6-2 na kartada.
Tigers, haharap muli sa Bulldogs
Sa ganap na ika-4 ng hapon ngayon, haharapin naman ng Growling Tigers ang Bulldogs sa Smart-Araneta Coliseum. Matatandaang tinalo nila ang Bulldogs noong unang round sa score na 77-71.
Kasalukuyang nasa ikaapat na pwesto ang NU na may 5-3 na karta.
Tamaraws’ Scores: 87- Romeo 19, Pogoy 13, Hangrove 13, Bringas A. 10, Bringas M. 8, Tolomia 7, Garcia 5, Sentcheu 4, Mendoza 4, Belo 2, Cruz 2, Inigo 0, Jose 0, Guerrero 0
Tigers’ Scores: 60- Mariano 15, Fortuna 12, Abdul 11, Bautista 8, Vigil 4, Ferrer 4, Teng 2, Pe 2, Daquioag 2, Lo 0, Haingan 0, Garrido 0, Afuang 0
Quarter Scores: 9-26, 47-19, 66-40, 87-60
Isinulat ni Karl Cedrick G. Basco
Litrato kuha ni Jenzine Inah M. Alcantara