
Hindi pinayagan ng UST Tigers manalo ang Adamson University Falcons nang mabingwit ang one-point lead, 61-60, sa Smart Araneta Coliseum noong ika-19 ng Agosto. Tuluyang umarangkada ang Tigers at nakamit ang liderato nang magwagi sa anim na magkakasunod na laro sa unang round ng kasalukuyang UAAP men’s senior basketball.
Ginulat ng Tigers ang lahat sa kanilang makapigil-hiningang laro laban sa Falcons nang makalusot muli sa isang mahigpit na labang isang puntos ang lamang. Nangunguna na ang Growling Tigers na may 6-1 na kartada sa pagtatapos ng unang round.
“Back to zero attitude pagdating ng second round, wag nating iisipin yung standing, isipin natin yung kalaban… one game at a time, magfofocus kami on every game,” ani Coach Pido Jarencio.
Muling nagpamalas ng galing ang sentrong si Karim Abdul na siyang nakakuha muli ng double double figures matapos magpakawala ng 18 puntos at 12 rebounds. Nahirapan si Abdul magsagawa ng laro dahil sa pag-double team sa kanya kaya walo sa puntos na iyon ay mula sa freethrow line.
Maagang nagpakitang gilas ang mga Tigers nang malamangan ang Falcons ng 6 na puntos, ngunit maaga ring nagkaproblema nang sila ay ma-foul trouble at nabigyan agad ng penalty na siyang nagbigay oportunidad para sa Falcons na makapuntos mula sa free-throw line. Naangatan ng pangkat ng España ang kalaban sa iskor na 19-13 sa unang yugto.
Hindi nagpatalo ang Falcons pagdating ng ikalawang yugto, binawian agad at nagpasabog sila ng 15-2 run sa huling apat na minuto sa unang bahagi. Kabilang sa mga nakapuntos ay sina Monteclaro, Cabrera at Etrone na nakapasok ng tig-isang tres na siyang nagpalamang sa Falcons, 26-33.
“Hindi ibibigay ng Adamson yan, lahat ng bagay na masarap, pinaghihirapan. Hindi naman pwede nakukuha ng madalian yan eh, pagka-madalian yan, madali ring mawala…double effort sa second half, babawiin natin,” pahayag ni Coach nang himukin ang kanyang koponan sa dugout.
Pag-tapak ng Tigers sa hard court, tila nagbago ang ihip ng hangin. Nabuhayan ang koponan ni Coach Jarencio, nang magpasiklab si Mariano ng back-to-back baskets at makuha ang lahat ng 12 puntos niya sa ikatlong yugto lamang. Samantala, di nagpasindak si Eric Camson ng AdU at siyang nagpainit sa kanyang pangkat gamit ang kanyang mga mid-range jumpers at nakakuha ng 9 na puntos. Nabawasan ang lamang ng Falcons, 47-50 paglipas ng ikatlong yugto.
Tuloy ang palitan ng mga puntos ng magkabilang koponan. Matindi ang opensang pinakawalan ng UST na 5-1 run sa huling 5 minuto ng laro, ngunit nakabawi rin agad sa tres ni Etrone. Sa huling timeout ng UST, nagpasiklab muli ang Tigers ng 7-1 run kabilang ang malayong tres ni Fortuna sa huling minuto. Sa nanatiling 51 segundo, nagka-turnover ang UST na nagbigay oras para sa AdU na makakuha ng huling tira. Ngunit nasayang at nabigo si Camson nang magmintis siya. Nanatiling lamang ng isang puntos at nakalusot muli ang UST sa isang nakakakabang laro.
Dahil sa pagkapanalo, inihahanda na ni Coach Pido ang kanyang koponan para sa ikalawang round, kung saan tiyak na makakalaro na si Jeric Teng.
“Kung naghahanda sila, handa rin kami…I want our team to stay sharp and protect our lead,” ayon sa pahayag ni Coach Pido.
[button color=”light” link=”https://www.facebook.com/media/set/?set=a.10151132806667355.433560.197486717354&type=1″ target=””]View gallery[/button]
Tigers’ Scores: Abdul 18, Mariano 12, Fortuna 12, Bautista 8, Vigil 6, Lo 3, Ferrer 2
Falcons’ Scores: Camson 19, Brondial 15, Etrone 10, Cabrera 10, Monteclaro 6
Quarter Scores: 19-13, 26-33, 47-50, 61-60
Isinulat ni Josiah Darren Saynes
Litrato kuha ni Gelli Ann Javellana