NOONG aking kabataan, hindi nawawala sa talakayan sa asignaturang Filipino at Sibika ang paksang “nasyonalismo.” Kalakip ng paksang ito ang pagkakabisa ng ilang bagay tulad ng: Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal, Pambansang Awit na Lupang Hinirang, Pambansang Prutas na Mangga, at iba pa. Naaalala ko pa na binibigyan kami ng markang bituin sa aming braso kapag tama ang aming sagot. Ngunit sa kalaunan ay unti-unti itong nababaon sa limot.
Minsan, naiiba pa ang pangalan o kaya naman ay tuluyan na itong nakalilimutan. Inaral natin ito ng mahigit anim na taon at makakalimutan nalang natin ng basta-basta? Totoo bang nabubuhay pa ang nasyonalismo sa puso ng mga Pilipino? O kailangan pa natin ng makabuluhang kadahilanan upang magalab itong muli sa atin?
Kaugnay sa ating pagdiriwan ng Buwan ng Wika, nakapanayam namin si Dr. Roberto Ampil, Tagapangulo ng Departamento ng Filipino ng UST. Nilalayon namin na sana’y masagot ang mga katanungang naghahangad ng kasagutan at mabigyang pansin, ukol sa nasyonalismo ng mga Pilipino.
Kung gayon, bakit nga ba meron tayong mga Pambansang mga bagay, kaganapan, at personalidad? Ano ba ang mga ito? Para saan? Pano ito napili? Nagbabago ba ito sa paglipas ng panahon?
Ang mga ito, ayon kay Dr. Ampil, ay isa sa mga nagbubuklod sa mga Pilipino lalo na’t tayo ay bansang pulo-pulo. Dahil sa pagkakahiwahiwalay natin, nabuo sa atin ang mentalidad na mayroon akong kayang gawin na maaring di mo kayang gawin, mayroon akong “Specialization”. Ngunit hindi nating maaaring sabihin na lahat ng Pilipino ay mayroong ganitong katangian o kakayahan. Sa kadahilanang ito, ang mga Pambansang bagay, kaganapan at personalidad ay kumakatawan sa mga katangian natin bilang mga Pinoy. Ito ay maaaring maging representasyon natin sa ibang bansa o maging mga katangian na dapat nating isabuhay.
Ngunit sa paglipas ng panahon, maraming bagay ang nagbabago. Kung ano man ang ginagawa ng ating mga magulang noong kabataan nila ay maaaring hindi na maging tulad ng dati pag ginawa natin sa panahon ngayon.
Ayon kay Dr. Ampil, noong panahon ni Cory Aquino, ang pambansang isda ay galunggong. Napili ito dahil sa hirap ng buhay noon, mas mura ito kaysa sa bangus. Pero ngayon, parang baliktad, parang mas mahal ang galunggong ngayon kaysa sa bangus.
Ang pagtakbo ng panahon din ay nakakaapekto, dagdag ni Dr. Ampil. Noon ang pambansang ibon ay maya. Pero ang kanyang laki ay naging problema para sa iba.
“Sabi nila, maliit lang, maliit lang ang tingin natin sa mga Pilipino. Bakit hindi natin palitan?”
Dahil dito ginawang nila ngayon itong Philippine Eagle, isa sa pinakamalalaking agila sa buong mundo. Ganun ang pagtingin natin, ikinakabit yung pagkakakilanlan natin bilang Pilipino doon sa mga simbolo na kinikilala natin. Ang karakter ng Pilipino ay nakikita doon sa karakter ng simbolo.
Ngunit kung iisipin, ano nga ba ang dahilan kung bakit mayroon tayo nito? Maaari natin itong iugnay sa nasyonalismo, pero ano nga bang talaga ang nasyonalismo?
Ayon kay Dr. Ampil, ang nasyonalismo ay isang napakalawak na paksa. Lalo na sa usaping, “Paano mo makikilala na makabayan ka?” Hindi naman natin masasabing kapag marunong kang magsalita ng Filipino ay makabayan ka na, pag nagingles ka, hindi ka na makabayan. Kung kaya’t papasok ang tanong na, “Pano natin mabibigyang kahulugan ang pagiging makabayan?”
Kung tatanungin ang Filipino propesor, para sa kanya walang nasyonalismo dahil hanggang ngayon, pinapairal parin natin yung tinatawag nating “Rehiyonalismo”, kanya-kanya tayo. Kaya nga meron tayong sinasabi na “One Town. One Product.” na eto, produkto ito ng isang bayan, produkto ito ng ibang bayan, pero hindi sinasabing produkto ito ng buong Pilipinas. Kaya kung sasabihin mo yung makabayan, makabansa, parang malabo yata na bigyang kahulugan ito. Nasa tao parin kung pano ang tingin niya sa sarili niya kung siya ba ay makabayan.
Sa huli, nasasaatin parin ang huling pagpapasya kung tayo ba talaga ay makabayan o hindi. Maaaring ang iba’t ibang tao ay may iba ibang kahulugan para sa salitang “nasyonalismo” ngunit mayroong isang punto kung saan magtatagpo ang ating mga pananaw na maaaring maging tunay na kahulugan ng Nasyonalismo. Marami man tayong pagkakaiba ngunit sa huli tinatawag parin nating lahat ang sarili natin bilang Pilipino.
Mula kay Antonio Mari F. Cochico
Litrato mula kay Maria Veronica Kaye O. Gantinao