MARAHIL ay magkakaroon talaga ng pagkakataon sa buhay ng mga kabataan na magagawa nilang maipahayag ang kanilang saloobin sa pamamagitan ng mga napapanahong social media accounts o ang mas kilala natin bilang “hugot”. Bawat isa nga sa atin, may love life man o wala ay may napagdaanang masakit na karanasan na kinakailangan ng hugot. Siguro ay humuhugot ka dahil pakiramdam mo ay sawi ka; ngunit sa kahit ano pa mang dahilan ang mayroon ka, ang hugot ay isa sa pinakasikat na paraan upang ipahayag ang iyong damdamin. Kadalasang makakakita ng post tungkol sa #hugot sa Twitter o sa Facebook dahil kung mas marami ang nakakaunawa o nakaka-relate sa iyo, mas masarap sa pakiramdam. Patunay nga ito ng isang kasabihang, “Misery loves company.”
Heto ang lima sa mga pinakatanyag na #hugot na mahahanap mo sa Internet:
- Rejection hugot
Deadma ka ba kay crush? O ‘di kaya naglakas-loob ka pang kausapin siya at ang sinagot niya lang sa iyo, “Sorry, I’m not interested”? Ito ang hugot mo kapag ni-reject ka – isa sa pinakamasakit at pinakatagos-sa-pusong hugot.
Matamis mong oo lang ang hinihingi ko kanina, pero bakit mo ako sinabihan ng “hindi”?
- Kasawian
Single at walang ka-mingle? Namimiss mo ba ang pakiramdam na may karelasyon? Ang hugot para sa iyo ay ito.
Lahat kayo puro “cuddle weather” pero ang ka-cuddle ko lang unan ko.
- The Past hugot
Minsan, hindi man sinasadya ay nagugunita mo ang mga nakalipas na pangyayari kasama na rin ang ibang tao na maaaring iniwan ka o ikaw naman ang nang-iwan. Gayunpaman, mahirap makalimutan ang mga taong naging malaki ang impluwensya sa buhay mo. Kung wala sila, malamang ay hindi ka rin makararating sa kinaroroonan mo ngayon – hindi ka mahuhubog sa kung sino ka man ngayon.
Hindi kita dapat isipin, pero anong gagawin ko kung ayaw mong umalis sa isipan ko? Nariyan pa ang sikat na mga katagang “It’s hard to forget someone, who gave you so much to remember.”
- Paghihintay
Ganito ang pinaghuhugutan mo kapag matagal ka nang single at parang bang naiinip ka na sa pagdating ng “The One” mo.
Hanggang kailan pa ba ako maghihintay? Kailan ka darating para makapagsimula na ang buhay ko?
- Hugot kasi trip mo
Hindi ka nagdaramdam ngunit nais mo lang maki-ride sa trip ng iba. Kaya hugot ka lang ng hugot at ayos lamang sa iyo kahit maging katatawanan pa ng iba.
Binuhos mo na ang lahat, ayun pala naka-drain. Sayang lang effort mo. #WashingMachineFeels
Tunay ngang ang #hugot ay patunay rin ng pagkamalikhain ng ating henerasyon. Iba-iba man tayo ng paraan ng pagpapakita ng ating saloobin, ang mahalaga ay alam natin na mayroon ding nakakaunawa ng mga bagay na ating pinagdadaanan at palagi lamang nakahandang pakinggan at suportahan tayo kahit sa pamamagitan ng like, comment, share, favorite at retweet pa. Ikaw, ano ba ang pinaghuhugutan mo?
Kuha ni Shelley Ann Badayos