Hindi ko na namalayan ang paglipas ng oras.
Tila magdamag na pala akong nakatingin sa harap ng aking computer, na walang laman ang isipan. Bago mag-madaling araw, kailangan kong magpasa sa aming group leader ng artikulo para sa isa naming asignatura. Ngunit kahit ano pa nga ang aking gawin, wala pa rin akong tamang maisulat. Naisip ko na baka kailangan ko lang ng inspirasyon o marahil ay writer’s block lamang talaga ito.
Alas-nuebe na at wala pa rin akong natatype! Aba, matindi! Sinimulan ko na nga ang aking gawain at natapos ko ito makalipas ang halos dalawang oras.
Salamat naman at may nagawa na ko. Ang ikinababahala ko pa nga ay marahil hindi ito magustuhan ng aming group leader. Binasa ko pa nga ito ng ilang ulit at saka ko ito ipinadala sa email ng aming leader.
Tapos na! Maaari na akong magpahinga.
Makalipas nga ang ilang oras ng aking pagkakahimbing…
Tiningnan ko ang relo sa tabi ng aking kama at nanlaki ang mga mata ko sa aking nakita. Anak ng tipaklong! Late na late na ako! Alas-siete na!
Minadali ko na ang aking paliligo at pag-aayos ng aking sarili. Wala na kong oras kumain kaya kumaripas na ako ng takbo palabas at nagtungo ako sa sakayan. Mabuti naman at mayroon agad dumating na dyip.
“Bayad po, diyan lamang po sa may España.”
Ni hindi pa nga halos tumitigil ang dyip nang ako’y pumara. Nagmamadali akong bumaba ng matanaw ko na ang mga pader ng UST. Wala na nga rin akong oras upang pansinin na halos wala palang tao. Dire-diretso lamang ako nang harangin ako ng security guard.
“Kuya, utang na loob, mamaya na lang ho kayo mag-inspect! Late na late na late to the tenth power na ako! Alas otso na!”
Tiningnan ako ni kuya guard ng may bahid ng pagtataka sa mukha at saka bigla na lamang tumawa.
“Aba, ineng, papasok ka bang talaga? Alam mo ba kung anong araw ngayon?”
Hindi ako makasagot sa tinuran niya at nanlaki na lamang ang aking mga mata.
“Linggo ngayon! Sinisipag kang pumasok ah?”
Tiningnan ko na ang digital na orasan at kalendaryo malapit sa pintuan ng gusali ng aking kurso. Ihinilamos ko na lamang ang aking mga kamay sa aking mukha.
Okay, ayaw ko na talagang magpagabi sa mga gawain. Wala na ako sa ‘wisyo.
Kuha ni Innah Pardinan