IPINAGDIWANG ng Pilipinas ang kauna-unahang International Youth Day Summit (IYDS) sa Asian Development Bank (ADB) Headquarters sa Lungsod ng Mandaluyong noong ika -12 ng Agosto.
Ang pagdiriwang na ito na may temang “Empowering Youth to Achieve Great Expectations” ay pinangunahan ng AIESEC na isang global na organisasyon ng kabataan at ng ADB.
Dinaluhan ng mga kalahok mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang IYDS 2014.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang masiglang ehersisyo na sinundan naman ng pambungad na salita ni Mr. Bindu Lohani, ang Vice President for Knowledge Management and Sustainable Development ng ADB.
Ang unang tagapagsalita sa summit ay ang 2009 CNN Hero of the Year na si Efren Peñaflorida. Ibinahagi ang kanyang mga karanasan sa kanyang proyektong Kariton Klasrum.
Labing-anim na taong gulang pa lamang si Peñaflorida noong itinatag niya at ng iba pa niyang kasamahan ang Dynamic Teen Company na isang grupo na may layuning sikaping pigilin ang mga kabataan na sumali sa mga gang at fraternities. Kasama sa mga programa ng grupong ito ang Kariton Klasrum na layuning turuan ang mga kabataan na hindi nag-aaral sa isang pormal na institusyon.
Ayon kay Peñaflorida, nakatanggap ng maraming negatibong pamumuna ang Kariton Klasrum sa simula ngunit hindi pa rin niya ito binitawan at lalo pa siyang nagsikap upang palaganapin ito.
Sinabi niya rin na, “when things go wrong, one mustn’t give up but should keep faith and finish what they began.”
Ang sumunod na tagapagsalita ay ang labinlimang taong gulang na si Kesz Valdez, isang awardee ng 2012 International Children’s Peace Prize.
Siya ay isang batang piniling tumira sa kalye kesa maging biktima pa ng abuso. Ibinahagi niya ang storya na nagtulak sa kanya upang maging isang tagapagtaguyod sa pagtulong sa ibang mga batang kalye.
Nahulog si Kesz sa isang tumpok ng mga nasusunog na gulong habang nag-aalis siya ng mga basura kasama ang ibang mga bata.
“The fire that burned my skin was the fire that started the flame inside me. It is the fire that opened my eyes and pushed me to help my co-street kids,” aniya.

Walong taong gulang pa lamang si Kesz noong itinayo niya ang kanyang organisasyong Championing Community Children na layuning gabayan ang mga batang lansangan sa pagbabago ng kanilang buhay.
“Every opportunity to help builds a bridge of peace to our fellow men,” aniya.
Nagbahagi naman si Anthony “Tony” Abad, CEO ng Trade Advisory Group, ukol sa panganib at takot ng pagiging lider. Ito daw ay nakakasira din ng mga relasyon ng isang lider sa ibang tao.
Sinabi niya na ang pamumuno ay hindi tungkol sa katanyagan o kasikatan. Upang maging lider, dapat handa siya na isakripisyo ang lahat. Ang pagiging isang lider ay ang pagkakaroon ng lakas ng loob na hamunin ang status quo.
Ibinahagi naman ni Ginang Risa Hontiveros, ang Chariman ng Akbayan Party, na ang isang totoong lider ay kumikilos para sa “greater good.”
Tinalakay din niya ang mahusay na pamamahala, korupsyon sa gobyerno, pagkakapantay-pantay ng kasarian, at pagre-reporma ng Sangguniang Kabataan imbes na ganap itong alisin.
“I am against the abolition of the SK. It is the training ground of future leaders,” aniya.
Ang sumunod na tagapagsalita na si Mark Lozano, tagapagtatag ng One Million Lights (OML) Philippines, ay nagsalita ukol sa layunin ng isang lider.
Ayon kay Lozano, ang ibig sabihin ng pagiging isang lider ay ang paglikha ng pagbabago sa buhay ng ibang tao at ang paggawa ng mga bagay na kailanman ay hindi naiisip gawin ng ibang tao. Idinagdag din niya na para maging isang lider, dapat lumalabas siya mula sa “safety bubble.”
Kaniya ding idinagdag na hindi importante kung gaano ito kahirap, “as long as one has the passion for something and is willing to go the extra mile, one will be able to make a difference in the lives of other people.“
Sinabi niya rin na, “a leader of today should not strive for recognition but to see the smiles on people and know that we were able to make a change on the lives of others.”
Ang OML ay isang non-profit na organisasyon na layuning mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mas mahusay na pag-iilaw sa tulong ng pagbibigay ng malinis at ligtas na solar-powered lights sa mga mahihirap na komunidad sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ang huling tagapagsalita ay si Arizza Ann Nocum, ang Overall Head ng Kristiyano-Islam Peace Libraryo o KRIS Library na isang non-profit at non-government na organisasyong layuning gawing mas accessible and edukasyon para sa mga kabataan na naninirahan sa mahihirap na komunidad.
Ibinahagi niya kung paano magiging tagumpay ang isang pagkabigo. Ayon sa kanya, “success is stumbling from failure to failure with no loss of enthusiasm.”
Kanya ring tinalakay ang ibig sabihin ng pagiging isang mabuting lider. Sinabi niya na para maging isang mabuting lider, hindi kailangang siya ang pinakamagaling sa buong lugar, kailangan lang na nailalabas niya ang husay ng bawat tao sa lugar na iyon.
“You don’t have to be the center of attention; you just have to give your attention to your followers or colleagues,” sabi ni Arizza.
Nagkaroon din ng iba’t-ibang klaseng aktibidad na makakatulong sa pagpabuti ng mga lider ng kabataan.
Ang kaganapan ay isinara ni Michael Fua, ang Pangulo ng AIESEC Philippines.
Kuha nina Claire C. Tingson at Innah Pardinan