Sakit, pagkamuhi, kawalan, at pagtanggap. Ilan lamang yan sa mga kaisipang bumubuo sa obra ni Ivan Andrew Payawal na “I America”, isa sa siyam na pelikulang kasama sa taunang Cinemalaya Film Festival.
Ang “I America” ay pinangungunahan ni Bella Padilla bilang si Erica, ang binibini na lumaking wala sa piling ng kanyang tunay na magulang. Madalas niya rin tinatahak ang Maynila sa pag-asang makukuha siya sa mga TV Commercials.
Kasama rin sa pelikula si Gng. Elizabeth Oropesa bilang si Rose, ang nanay ni Erica. Si Rose ang may-ari ng isang ‘strip club’. Pinamigay niya si Erica noong bata pa lamang ito kaya lumaki si Erica na may malaking poot sa kanyang nanay. Sa kabilang banda naman ay naroon rin si Rob Rownd na gumanap bilang John Berry, ang kinikilalang ama ni Erica.
Bilang pahapyaw sa kwento, madalas tinatahak ni Erica ang Maynila sa pag-asang kumita sa pamamagitan ng pag-arte sa iba’t-ibang maiikling patalastas. Umaasa siya na balang araw ay makakaipon siya ng sapat na pera para makapunta sa ibang bansa upang makasama niya ang kaniyang tatay ngunit lahat ay gumuho at nagulo ng nalaman niya ang tunay na katotohanan ukol sa sa magulang niya. Lalo pang lumabo ang sitwasyon nang hindi inaasahang umuwi si John Berry para makita si Erica.
Hindi naman bagay kung isasalaysay ko ang buong kwento ng “I America” dahil mawawala ang misteryo ng pelikula, kaya tignan naman natin ang teknikal na aspeto ng pelikulang ito. Hindi mapigilan na mamangha dahil kumpara sa mga “sikat” na pelikula ay maliit lamang ang pera nilaan para sa “I America” ngunit nagawa pa rin nito makipagsabayan, kung hindi man malamangan, ang mga tipikal na pelikula na napapanood natin sa sinehan. Mula sa pag-arte ng mga actor hanggang sa musika na ginamit patungo sa mga lugar na pinili, lahat ay nahalo ng mabuti na nagresulta sa isang napakagandang pelikula.
Ngunit aaminin ko na marami akong napuna sa palabas na ito. Ang ilan ay patungkol sa mga birong mapapailing ka nalang. “Destiny’s Children”? Pakiusap. Subalit ang pinaka-malala kong napansin ay ang kawalan ng matinong paliwanag tungkol sa mga nangyari sa pagitan ni Erica at sa nanay niyang si Rose. Sinabi sa pelikula na nung bata pa si Erica ay pinamigay siya ni Rose sa kung anong rason. Kaya lumaki si Erica sa nanay-nanayan niya…na matalik na kaibigan ni Rose. At isa pa, halos tawid kalsada lang ang layo nila sa isa’t isa. Dahil diyan ay parang pakiramdam ko na wala sa lugar ang galit ni Erica sa nanay niya dahil malaking piraso ng nakaraan nila ang hindi naipaliwanag.
Subalit huwag niyo ko masamain. Totoong may mga ilang butas ang “I America” ngunit pangkalahatan ay isa itong nakakapangilabot na pelikula. Hindi siya tipikal na drama o romantikong komedya. Isa itong malaking komentaryo sa nakasanayan nating pagsasademonyo sa mga pokpok. Paumanhin kung may maiinsulto sa ginamit kong salita ngunit walang mali dito. Ang pokpok ay pokpok. Ayun lang ‘yon, tama? Tayo ang nagbibigay ng pangit at masamang konotasyon sa salitang ito.
Lumalayo ako, katulad ng sinabi ko, ang “I America” ay parang isang malaking komentary sa nakasanayan nating pagsasademonyo sa mga pokpok at sa nakasanayan natin ideya ng pamilya.
Kagilas-gilas na naipakita ni Payawal ang buhay ng isang pokpok. Ipinakita niya na katulad natin, meron din silang mga pamilya, mga pangarap, at mga problema. Katulad na lamang ni Erica, lumaki siya sa nanay-nanayan niyang dati ring pokpok. Kasama rin niya sa bahay ang kapatid niya sa ina ngunit sa ibang ama. Araw araw siyang kumakayod sa pag asang balang araw ay makaipon at makapunta siya tatay niya.
Kung hihimayin natin ang pelikula, makikita natin marahil masyado tayong marahas sa mga ganitong tao. Kadalasan ay mga mabibigat silang problema at wala na silang maisip na paraan kung hindi ito. Marami rin sa kanila na may mga malalalim sa personal na rason kaya pinipili nila itong gawin.
Isang tema rin na tinalakay sa pelikula ay ang tungkol sa pamilya. Makikita na kahit hindi sila magkakadugo ay payapang namumuhay sina Erica at ang mga tao sa paligid niya na parang isang tunay na pamilya. Isang bagay na kailangan pag-isipan: hindi nagsisimula at nagtatapos ang pagiging pamilya sa dugo.
Nagtapos ang pelikula na wala na ang parehong tatay at nanay si Erica pero kahit ganoon ay nakangiti pa rin siya. Dahil siguro natanggap na niya sa sarili niya na napapaligiran siya ng mga taong nagmamahal sa kanya at sapat na iyon bilang pamilya para sa kanya.
Nagtapos ang pelikula na nakilala ni Erica ang sarili niya. Naisip niya na hindi magdidikta sa buhay niya kung ano man ang apelyido niya.
Nagtapos ang “I America” kay Erica na humarap sa manonood at may saya at pagmamataas na sinabi na “Hi, I Am Erica”.