Paikot-ikot ang mga mata ko sa silid-aralan. Unti-unting naglaho ang boses ng guro sa aking mga tainga. Hindi ako mapakali sa bawat pagpatak ng oras. Ilang segundo na lang at makakaalis na ako. Kaunti na lamang at—
“Okay class, you are dismissed.”
Hindi na ata ako nakapagpaalam kay ma’am, pero hindi ko na rin ito inalintana. Kumaripas na ang aking mga paa paalis ng kuwarto sa unang hudyat pa lamang na uwian na.
“Kailangan kong mauna,” bulong ko sa sarili ko, habang kumukuliling ang orasan at dahan-dahang nilulunod ng mga boses at ingay ang koridor. Paglabas ng gate, tinakbo ko ang kalsada hanggang sa nadatnan ko ang isang tindahan—mga dalawang kanto sa kanan mula sa eskwelahan. Naaalala ko pa nung dinadala ako ni nanay dito para bumili ng sorbetes, yung tindahan na may malaking poster ng Coke sa labas na kumupas na dahil sa init at panahon. Buti na lamang, wala pang tao at nauna ako kahit paano.
***
Hakot dito, hakot doon—kung anu-ano na ata ang nabili ko. Pilit kong tinipid ang pera sa pitaka ko, binibilang bawat barya mapagkasya lamang ang aking naipon mula sa pabaon sa akin ngayong linggo. Kailangan ko rin ng pamasahe pauwi. Nang mamarkahan ko na ang huling gamit sa aking listahan, agad ko nang binayaran ang mga naamili ko at itinago ang sukli sa aking bulsa. Baka mawala pa. Hinakot ko na rin ang mga supot at binitbit ito para iuwi. Palabas pa lamang ako sa tindahan, nakaramdam ako ng pangangatal sa aking bulsa. Nag-text na pala ang kapatid ko.
“Kuya, asan ka na?”
“Pauwi na ako. Magprepare ka na,” tugon ko.
May dumaang tricycle sa harap ng tindahan at pinara ko ito agad. Tinuro ko ang daan patungo sa bahay na madali namang nasundan ni manong drayber. Hindi ko alam kung bakit ako nakaramdam ng matindig na pananabik at pagkapawi noong nakarating na ako sa bahay. Matagal ko ring hinintay ang araw na ito. Matagal-tagal rin akong naghintay.
***
Naabutan ko ang kapatid ko na naghahanda sa sala ng mga gagamitin namin para mamaya. Kinakabahan ako. Tumatagaktak pa yata ang pawis mula sa noo ko. Nakakapagod ding mamili at magmadaling umuwi.
“Handa ka na ba?” tanong ko sa kanya.
Tumango lamang siya at ngumiti habang nilabas ko ang napamili ko sa tindahan, na siya naming dinala ko sa kusina: lumpia wrapper, bihon, giniling, kaunting gulay—magdadala naman daw si Nanay ng fried chicken mula sa KFC. Nagsimula na akong magluto. Paminsan-minsan rin akong tumigil para mamahinga, nararamdaman ko pa rin sa kamay ko ang naghahalong kaba at pagkasabik at nanginginig ang mga binti ko. Ngunit hindi ako mapakali at dali-dali ko ring binabalikan ang niluluto ko. Isang oras ang lumipas, at matapos ng isa pa ay natapos din.
“O, anak, tapos na ba ‘yan?”
Hindi ko na pala namalayan na dumating si Nanay.
“Opo, ‘Nay! May dala kayong fried chicken?”
“Aba, siyempre naman!”
Nakakatakam. Ngayon ko rin lang naamoy yung chicken pati yung mga niluto ko. Pansit, lumpia—sana kuha ko yung luto ni Tatay. Sana. Dinala ko na ang mga ulam at mga plato sa mesa nang napansin ko na may cake na nakahanda. Nakalimutan kong pakiusapan si Nanay na bumili, buti na lang naalala niya. Apat na plato, apat na pares ng kubyertos, apat na upuan, tatlong tao, at isang laptop.
Panaupo na kami ni Nanay habang binuksan niya ang laptop sa aming harapan. Tumatawag si Tatay, at binilang ko ang bawat segundo na lumipas bago lumabas ang kanyang mukha sa screen.
“One, two, three! Happy birthday to you! Happy birthday to you!”
Narinig kaya ni Tatay na sintunado ako sa pagkanta? Narinig niya ata—tawang-tawa siya habang kumakanta kaming tatlo. Isa-isa niya kaming kinamusta: si Nanay sa trabaho, kami ng kapatid ko sa pag-aaral. Kinuwento niya rin ang mga nakakatuwang nangyari sa kaniyang trabaho, tulad noong nakaraan dawn a araw, kinailangan pa nila habulin ‘yung nakatakas na alimango sa kusina ng restawran. Halos maiyak kami sa kakatawa at napalo ko pa ang aking hita kabang pinapahid ko ang aking matang nabasa ng luha. Saka ko lang noon napansin na hindi pa pala ako nakapagpalit ng pambahay. Kinapa ko agad ang bulsa ko at nilabas ang isang medal.
“’Tay, may quiz bee nga pala kami sa school ngayon! Third place ako!”
“I’m so proud of you, anak! Okay lang ‘yan kahit third place. Proud pa rin ako!” At sigurado ako, may nakita akong maliit na luhang pumatak mula sa mata niya—kita ko, kahat medyo malabo ang mukha niya sa screen.
“‘Tay, kami nga po nagluto nito,” sabik kong sinabi habang tinuturo ang mga ulam sa mesa.
“Aba! Mukhang kabisado niyo na yang lumpia at pansit, ah. Sana pwede kong tikman!”
Kahit malabo ang imahe niya sa screen, alam ko, ramdam ko na tila ba nandito pa rin siya sa bahay. Wala akong nakikitang mga balikbayan box o kaya naman ang mga imported na gamit mula sa Amerika: ang nakikita ko lamang ay ang siya, anim na taon na ang nakaraan at mga taon bago pa ang taong iyon. Parang nung kailan lamang, hindi pa kami marunong humawak ng sandok, o kaya nama’y magprito ng kahit ano. Anim na taon na ang nakaraan noong huli siyang umuwi ng Pilipinas, at tanda ko pa ang araw na iyon: pansit at lumpia ang una niyang tinuro sa’kin. Dahil hanggang ngayon, hindi ko pa rin magaya-gaya ang luto ni tatay.
“Oo nga po, ‘tay,” sagot ko, “sana matikman mo.”
Dibuho ni Roland Joshua Distor