“Kamusta na kayo dyan ng nanay mo? Ang tatay mo ayos ba? Eto na nga pala bago kobg roaming number. Tita maribeth mo to. Pwede ba padalhan niyo muna ko ng 5000?”
“Nay naaksidente ho ako papasa ho ng 300 andito kami sa ospital ngayon”
“Nanala ka ng bagong IPhone 6! Para ma-claim ang premyo mo isend lang ang 100 sa 2917xxxxxxx at sumagot ng yes!”
Malamang sa malamang naranasan mo na yan. Kung tutuusin, sino bang hindi? Madali lang ang kita kapag may nabiktima di ba? Kung totoo si Ponching, siguradong sasang-ayon siya sayo. Ang kaibihan nga lang siguro, nabago ang buong buhay niya ng dahil lang sa simpleng mensahe.
Si Ponching (Janus Del Prado) ang titular na bida sa pelikula nina Inna Salazar at Dos Ocampo, “Ang Bagong Pamilya ni Ponching”, na isa sa siyam na pelikulang naglalaban laban sa Cinemalaya ngayong taon.
Pinakilala si Ponching bilang isang kwela at mabait na binata na ginagawang kabuhayan ang pamimirata ng mga indie na pelikula dahil sa panahon ngayon, pati ang mga pirata na raw ay nauumay na sa paulit-ulit na kwento ng karamihan na “mainstream films”.
Isang araw ay naisipan nila ng kaibigan niya (Ketchup Eusebio) na subukan ang “text scamming”. Laking gulat na lamang nila ng biglang tumawag ang biktima ni Ponching. Nagpakilala ito bilang miyembro ng pamilya De Vera at sinabihan si Ponching na pumunta sa kanilang mansyon, inaakala na ang binata ay ang nawawala nilang pamangkin. Wala magawa si Ponching, na hindi inaasahan na may sasagot, at napilitan siyang magkunwari. Maganda na sana ang takbo ng lahat ngunit nagulo ito nang mangyari ang hindi inaasahan: napamahal si Ponching sa mga De Vera at sila kay Ponching.
Kung susumahin, parang pamilyar na ang ganitong istorya. May isang taong planong manloko ng pamilya ngunit sa huli ay mapapamahal siya dito sobra. Ganyang-ganyan ang nangyari sa “Ang Bagong Pamilya ni Ponching”, ngunit naiba lang siguro ito dahil sa mga maliliit na detalye at mas malalim na mensaheng ipinakita nito.
Sa pangkalahatan ay maayos ang pelikula. Mula sa lugar na pinili hanggang sa mga aktor na gumanap. Hindi rin pumalya sina Del Prado at Eusebio sa pagpapatawa sa manonood. Walang biro ang corny, walang diyalogo ang pilit, at walang emosyon ang halatang arte lang. Ang buong haba ng pelikula ay hindi mawawalan ng tunay na katatawanan, isang bagay na hindi karaniwang nakikita sa isang pelikula sa Cinemalaya.
Nakakatuwa rin ang pinakitang relasyon ni Ponching sa kaniyang “lola” (Lollie Mara). Nagsimula sila na nagkaka-ilangan ngunit hinddi nagtagal ay lumambot din sila sa isa’t-isa. Doon na nagsimula lumabas ng saloobin ang isa’t isa.
May isang eksena sa pelikula na pinuna ni Lola si Ponching dahil dasal ito nang dasal tuwing mapapadaan sila sa imahe ng Birhen sa hardin ng mga De Vera. Sinabi ni Lola na hindi niya na kailangan gawin iyon dahil wala naman iyong saysay. Sagot naman ni Ponching na ginagawa niya lang daw ito dahil nasanay na siya rito at hindi dahil sa gusto niya talaga. Sumagot si Ponching na siguro nga nasanay na siya magdasal dahil lumaki siya sa simbahan ngunit may nararamdaman siyang gaan ng loob tuwing nagdadasal siya kaya’t ginagawa niya ito sa lahat ng pagkakataong makukuha niya.
Mas lumalim pa ang kanilang samahan noong malaman ni Ponching na may karelasyon pala si Lola na kapwa babae noon ngunit napilitan itong makipaghiwalay dahil sa tutol ng magulang. Matapos malaman ni Ponching ito ay dali niyang inakay si Lola at pinilit na puntahan ang dating sinta upang ituloy ang naudlot na pagmamahalan.
Dito sa mga paguusap nina Ponching at ng kaniyang lola ay makikita ang karamihan ng komentaryo ng pelikula tungkol sa pamilya, pagmamahal, at paniniwala. Kaya nanghihinayang ako na hindi nabigyan ng parehong bigat ang relasyon ni Ponching sa iba pang miyembro ng pamilya De Vera. Pwede man masabi sa istorya na napamahal sila kay Ponching, ngunit hindi ito naipakita ng lubos. Kung kaparehas lang sana ang “character development” nila sa paglago ng karakter ni Ponching at ni Lola ay siguradong mas magiging buo pa ang pelikula. Maaari siguro nagkakamali lang ako at sinadya talaga sa istorya na mas bigyan ng halaga ang relasyon ni Ponching at ng lola niya.
Ang wakas din ay madaling hulaan. Pinatawad ng mga De Vera si Ponching nang umamin ito at hinayaan nilang magtrabaho si Ponching at ang kaibigan niya sa pabrika ng mga De Vera para mabayaran ang mga nakuhang pera ni Ponching.
Paumanhin ngunit panahon pa nila Redford White, Babalu, at Serena Dalrymple ay may ganyang balangkas na. Hindi na ito bago kaya’t nagtataka ako kung bakit ito ang ginamit. Siguro hindi ko lang matanggap talaga ang masayang pagtatapos ng kwento ni Ponching dahil masyado na akong mapang-uyam.
Sa huli pa rin, “Ang Bagong Pamilya ni Ponching” ay isang pelikulang may tunay na katatawanan at puso. Hindi ito natakot ipakita na ang pagmamahalan ng dalawang babae sa isa’t isa hanggang sa pag tanda na sigurado akong tumunaw sa puso ng mga manonood kahit “masama ito dahil hindi natural at wala sa bibliya”. Nagbigay komentaryo rin ang palabas sa pagiging ritwalisto ng mga dasal at mga nagdadasal na kung tutuusin ay tama naman. Hindi ba dapat ay taimtim at personal ang mga dasal? Kung gayon ay bakit kadalasan ay paulit ulit ito at parang may sinusundan na “formula”?
Malim ang ba istorya ng “Ang Bagong Pamilya ni Ponching? Medyo. Makatotohan ang pangwakas? Hindi. Masaya panoorin? Sobra. May matutunan ba? Marami.
Uulitin ko ba kung may pagkakataon? Sigurado.