ISANG talakayan ng Center for Religious Studies and Ethics (CRSE) tungkol sa mapayapang pagyao sa mundo ang naganap sa Thomas Aquinas Research Center (TARC), sa pangunguna ng isang Pilipinong Cancer Biologist.
Sa “End-of-Life Care”, sinabi ni Fr. Nicanor Pier Giorgio Austriaco, OP, PhD na lahat ng tao ay gusto ng mapayapang pamamaalam sa mundo pero halos lahat ay nakakadama ng takot kapag papalapit na ang oras nila.
“We are praying for a good death- the good death that we all aspire too, that we pray for, that we beg God for and the death to which we are preparing for every single moment of our life,” sabi ni Austriaco.
Nais ni Austriaco, na naranasang maging hospital chaplain, na matulungan ang mga taong mamatay ng payapa at tulungan ang mga pamilya na maghanda sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Dagdag pa ng Propesor mula sa Providence College sa Rhode Island, may tatlong klase ng takot na hinaharap ang mga tao, ito ay ang fear of painful death, fear of prolonged death at fear of dying alone.
Upang mawala ang ganitong mga pangamba, pinaliwanag niya na “in order to prepare for this is to pray. You must pray for a happy death.”
“We must not prepare not just ethically but we must prepare also spiritually,” dagdag ni Rev. Fr. Austriaco.
Ngunit para kay Fr. Rodel Aligan, O.P., Dean ng Fakultad ng Sacred Theology, dapat nagtuon ang talakayan tungkol sa kultura dahil malaki ang ginagampanan nito sa paggawa ng desisyon lalo na sa mga Pilipino.
Wala daw kasing bago sa isyu ng “End-of-Life Care” dahil napaguusapan ito sa klase, sa mga ospital at kahit sa mga blogs galing Internet.
“What could have been an interesting discussion on the end of life is the role of culture, especially for us, Filipinos-culture plays a very important role in making decisions for a dying person,” ani ni Fr. Aligan.
Kultura ng mga Pinoy na umutang kahit walang pera upang magawa ang lahat para sa may sakit na kamag-anak, kahit alam nilang hindi mapipigilan ang pagyao nito.
Sa ibang bansa, tumitira ang mga matatanda sa mga “care centers”, pero sa Pilipinas, sariling pamilya ang nagaalaga sa mga matatanda.
Para naman kay Dr. Patrick Gerard Moral, ang pinakamainam na ginagawa ng mga doktor para malutas ang “fear” ay pag-aralan lang ito dahil iba ang pagtuturo sa medisina at sa relihiyon.
“We in medicine, we’ll probably just spend around 2 to 3 hours discussing death. They [physicians] have been trained for success and not for failures,” sabi ni Dr. Moral.
Ayon sa ginawa nilang pagsusuri, nalaman na 50% ng mga doktor ay hindi komportable na pag-usapan ang tungkol sa pagkamatay habang mas mababa pa sa 30% ang mga doktor na kaya magbigay ng mga “opiates” o mga gamot na pampakalma para hindi makaramdam ng sakit ang pasyente.
Sabi ng propesor galing ng Faculty of Medicine and Surgery,“If you have education, this will diminish the fear of administrating these medications.”
Dagdag ni Dr. Moral na dapat pinapaalam ng pamilya sa pasyente ang totoong kalagayan nito.
Ang “End-of-Life Care in the Catholic Tradition” ay isa sa mga proyekto ng CRSE na pinag-uusapan ang mga paksa tungkol sa agham, teolohiya, relihiyon at etika.
Bawat taon magtatalakay sila ng mga isyu na sakop ang mga ganitong paksa.
Kuha ni Sheena Coricor